81
tito-sotto
May 25, 2018 @ 10:40
By

Panukalang National ID System may sapat na safeguards – Sotto

Ginarantiyahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na walang panganib sa maisasabatas nang Philippine Identification System (PhilSys) kung saan layong isyuhan ng permanenteng ID ang lahat ng mga Filipino at mga dayuhang tutungo rito.

Mayroon aniyang sapat na safeguards sa panukala para hindi ito maabuso at para maprotektahan ang privacy at iba pang karapatang pantao.

Sa panukalang batas, inaatasan ang Philippine Statistics Authority (PSA) na maging repository o tagapag-ingat ng mga impormasyon na ipapaloob sa ID at ito rin ang magpapatupad ng ID system.

Patutulungin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagtiyak ng seguridad ng teknolohiyang gagamitin.

Nakatadhana rin sa panukala na makukulong ng tatlo hanggang sampung taon ang mga taga-gobyerno na walang awtoridad o permiso na magsasapubliko o magbabahagi ng impormasyon ukol sa ID holder.

Nakasaad din na hindi puwedeng basta makakuha kahit ang pulisya at militar ng impormasyon ukol sa ID holder maliban lang kung may consent, kung nakataya ang public health at public safety at kung may utos ang korte.

Sa Lunes, inaasahang raratipikahan ng Senado at ng Kamara ang pinagkasundo nilang bersiyon ng Philippine ID System Bill.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?