15

May 11, 2021 @ 14:10
By

Panukalang lilinang sa galing ng Pinoy sa musika umusad na

Umandar na ang panukala na maghahanap, tutulong at lilinang sa talento ng mga Pilipino sa larangan ng musika.

Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang tax provision ng panukalang NMCYA Act (An Act designating the National Music Competitions for Young Artists as the National Youth Development Program for Music) na akda ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Ang panukala ay nauna ng inaprubahan ng House Committees on Appropriations at on Sports and Development.

Sa ilalim ng panukala, pag-iibayuhin ang mga contest kung saan maaaring mahanap ang mga magagaling na mang-aawit sa bansa upang matulungan ang mga ito at magtagumpay sa kanilang larangan.

“It also aims to discover young artists in the field of choral singing, piano, chamber music, family ensemble, and indigenous instruments,” sabi ni Rodriguez.

Noong 1973 ay inilunsad ang National Music Competitions for Young Artists sa ilalim ng Presidential Proclamation 1173. Ang pangunahing sponsor nito ay ang Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ang Pangulo ng CCP ang nagsisilbing chairperson ng national committee sa pagsasagawa ng mga patimpalak.

Nakasaad din sa Proklamasyon ang pagdedeklara ng National Week for Young Artists mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 12 bawat taon.

Bukod sa tulong na ibibigay ng CCP, nakasaad sa panukala ang paglalaan ng P50 milyon para magamit sa mga aktibidad ng NMCYA.

Pinatutulong din sa pagsasagawa ng kompetisyon ang Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG), Commission on Higher Education (CHED) at National Commission for the Arts and Culture (NCAC).

Para mahikayat ang mga korporasyon ng gobyerno at mga pribadong kompanya na magbigay ng tulong pinansyal sa kompetisyon ng NMCYA, ang kanilang ibibigay ay maaaring ibawas sa komputasyon ng buwis na kanilang babayaran.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?