80

By

Panukalang batas kontra HIV/AIDS, lusot na sa Kamara

Sharing is caring!

Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang “Philippine HIV and AIDS Policy Act” na naglalayong pigilin ang pagkalat ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa Pilipinas.

Sa ilalim ng House Bill 6617, pinapawalang-bisa ang Republic Act No. 8504, o ang “Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998” para mas palakasin ang batas sa gamutan, pag-aalaga at suporta sa mga pasyenteng may HIV at AIDS.

Gagawin ring mas episyente ang Philippine National AIDS Council (PNAC) na itinatag sa ilalim ng RA 8504 para matiyak ang implementasyon ng mga programa ng gobyerno bilang tugon sa epidemya ng HIV at AIDS.

Itinatakda dito ang pagbalangkas ng anim na taong National Multi-Sectoral HIV and AIDS Strategic Plan o ng AIDS Medium-Term Plan (AMTP) na gagawing updated ng PNAC tuwing may pangangailangan.

Maglalaman ang AMTP ng targets at strategies ng bansa sa pagtugon sa HIV/AIDS, mga programa ng gobyerno at mga ahensyang magpapatupad, gayundin ang kakailangang pondo at pagkukuhanan nito.

Kabilang naman sa prevention program ang pagtuturo sa publiko ng tungkol sa HIV at AIDS gayundin sa iba pang sexually transmitted infections para mapababa ang insidente nang pagkahawa gayundin ang pagsusulong naman sa karapatan ng mga taong may HIV/AIDS.

Inaatasan ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na isama sa relevant subjects ang pagtuturo ng basic at age-appropriate na kaalaman sa mga sanhi ng HIV/AIDS, pagkahawa sa sakit, epekto ng HIV infection, lunas at mga paraan para maiwasan ang pagkalat gamit ang mga impormasyon at epidemiological data mula sa Department of Health (DOH).

Pinatuturuan rin ang mga empleyado at employers kabilang ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ng basic information at instruction sa HIV at AIDS kabilang ang topics sa confidentiality sa lugar ng trabaho at pag-alis ng stigma at diskriminasyon sa mga taong infected ng nakahahawang sakit. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?