11

Mar 3, 2021 @ 19:59
By

Panukalang armasan mga bombero, barado sa Senado

Ibinasura ng Senado ang panukalang armasan ang mga miyembro of Bureau of Fire Protection (BFP) sa panahon ng fire emergency.

Labingtatlong senador ang kumontra at apat ang pumabor sa isinulong ni Senador Bong Go na amyendahan ang BFP Modernization bill.

Itinulak ni Senador Francis Tolentino ang panukalang pag-amyenda ni Go na hindi naman present sa sesyon ng Senado.

Si Senador Ronald dela Rosa, sponsor ng panukala, ay pabor sa panukala at sinabing hiling din umano iyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“His intention was to arm the BFP personnel with short firearms because he wanted to make this personnel available to support the law enforcement operations of the PNP and AFP [Armed Forces of the Philippines],” sabi ni Dela Rosa.

Sabi pa nito, kailangang protektahan ng mga bombero ang kanilang sarili sa panahon ng fire emergency laban sa mga masasamang-loob.

Subalit iginiit ni Senadora Grace Poe na lagpas na sa mandato ng BFP ang panukalang armasan ang mga bombero.

“Hindi yun ang intensyon ng kanilang trabaho, hindi yan ang kanilang mandato. Dagdagan ninyo ang PNP na puwedeng makipagsapalaran sa mga pangangailangan nating domestic na mga hamon,” sabi ni Poe.

“Pero para bigyan sila ng baril para gawin ang kanilang trabaho, parang hindi naman yan naaayon sa kanilang sinumpaan na tungkulin at trabaho,” dagdag nito

Ang mga senador na bumoto kontra sa panukalang armasan ang mga bombero ay sina Poe, Panfilo Lacson, Miguel Zubiri, Senators Nancy Binay, Pia Cayetano, Franklin Drilon, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Manny Pacquiao, Francis Pangilinan, Ralph Recto at Joel Villanueva.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?