joel-villanueva

Panukala para sa ligtas na ‘workplaces’ ng manggagawa, lusot na sa Senado

Sharing is caring!

Niratipikahan ng Senado ang panukalang batas kung saan pinalalakas ang kapangyarihan ng gobyerno para masigurong ligtas ang mga manggagawa sa sakuna at pagkakasakit.

Ito ay ang Occupational Safety and Health Standards (OSHS) Bill na aamyenda sa 41-anyos na Labor Code of the Philippines.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate labor committee, sa ngayon, walang parusa sa lumalabag sa panuntunan para sa kaligtasan ng lugar ng paggawa.

Sa panukala, pagmumultahin ng hanggang P100,000 bawat araw ang employer o kontratista para sa bawat araw ng hindi pagsiguro na ligtas ang mga manggagawa.

Bukod ito sa mga kasong kriminal na pwedeng kaharapin ng employer kapag may trabahador o kawani na nasaktan o namatay dahil hindi ligtas ang kanilang lugar.

Bibigyan din ng kapangyarihan ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) o kinatawan nito para mapasok at mainspeksyon ang lugar ng trabaho anumang oras at anumang sandali.

Dahil niratipikahan na ito ng Senado at raratipikahan na rin ng Kamara, sinabi ni Villanueva na lagda na lang ni Pangulong Duterte ang kulang para ito maging ganap na batas.

Isinulong ito dahil sa mga trahedya na tulad ng pagkasunog ng pabrika ng tsinelas sa Valenzuela na Kentex kung saan higit 70 trabahador ang namatay; pagguho ng lupa sa Semirara kung saan nalibing ng buhay ang mga minero; sunog sa pabrika ng paputok sa Bulacan at pagkamatay ng 10 obrero sa isang construction site sa Makati City nnang bumigay na scaffolding.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?