95

Oct 14, 2021 @ 16:28
By

Pantawid Pasada paganahin – Win

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, nanawagan si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na muling ipatupad ang Pantawid Pasada Program bilang ayuda sa public transport sector.

“Ang panawagan ko sa ating pamahalaan ay protektahan natin ang ating mga tsuper at pasahero. Dito papasok ‘yung programa na Pantawid Pasada kung saan pinopondohan muna ng gobyerno para ma-absorb ‘yung pagtaas ng presyo ng petrolyo,” sabi ni Gatchalian.

Nanawagan din si Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na tutukan ang imbentaryo ng mga kumpanya ng langis para masiguro ang pagkakaroon ng sapat na suplay at mapigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga susunod na buwan.

Naalarma ang senador bunsod ng sunod-sunod na pagsipa ng presyo ng langis sa loob ng pitong linggo.

Nito lamanng nakaraang Martes, Oktubre 12, ay nagpatupad ng dagdag na P1.50 kada litro sa presyo ng diesel, P1.45 kada litro sa kerosene, at P1.30 kada litro sa gasolina ang mga kumpanyang Chevron Philippines Inc., PTT Philippines, Seaoil Philippines, PetroGazz, Unioil Petroleum Philippines, at Cleanfuel.

Sa pagtataya ng Senate Energy Committee Chairperson, posibleng umabot ng P1,422.50 ang karagdagang gastos ng mga jeepney na gumagamit ng gasolina at P598.36 naman sa mga gumagamit ng diesel.

Upang maibsan ang pasaning ito, sinabi ni Gatchalian na maaaring maglabas ang gobyerno ng P914,160,894 milyon upang punan ang dagdag na gastusin ng tinatayang 178,244 na bilang ng franchise holders ng public utility jeepney (PUVs).

Kumpara sa P51.25 kada litro na presyo ng gasolina noong Oktubre ng nakaraang taon, ang kasalukuyang presyo nito ngayon ay nasa P58.85 na samantalang ang diesel naman ay umabot na sa P47.90 kada litro kumpara sa P35.46 sa parehong buwan noong 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?