62

Oct 31, 2017 @ 15:58

Pantalan sa Iloilo, nabulabog ng paper bag

Nabulabog ang operasyon ng pantalan sa Estancia, Iloilo dahil sa isang paper bag na hinihinalang naglalaman ng bomba nitong Lunes.

Sa ulat ng Coast Guard Sub-Station Estancia, ang paper bag na selyado ay iniabot ng isang hindi kilalang pasahero ng M/B M-Star sa tripulante ng nasabing bangka na si Jefferson Lupangco.

Iniutos umano ng pasahero na iabot ang paper bag sa kapitan ng bangka na si Marlou Mortel na personal umanong kakilala ng suspek.

Selyado ang paper bag ng packaging tape na nakapangalan sa isang Boboy Nojalda.

Pero nabahala si Mortel nang mabasa ang mga katagang “Do Not Open Please, My Bomba!”
na nakasulat sa paper bag.

Kaagad niyang ibinigay ang paper bag sa Philippine Coast Guard (PCG) na nakipag-ugnayan naman sa Philippine Ports Authority at sa Estancia Police.

Pero para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pasahero, pansamantalang inihinto ng PCG ang operasyon ng terminal ng Estancia Freeport.

Nagsagawa naman ang Explosive Ordnance Division ng Estancia Police at ang K-9 ng Philippine Army ng paneling inspection sa paper bag at natuklasan na ito pala ay naglalaman ng limang unit ng cellular phone na ipadadala sa Masbate City.

Ang mga cell phone ay nasa kustodiya na ng Estancia Police. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?