1,002

Jul 15, 2019 @ 20:08
By

Paninipol bawal na: Anti-Bastos bill pirmado na ni Duterte

Hindi na uubra ang paninipol, panghihipo at mga parinig na may himig seksuwal sa mga kababaihan at maging sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Republic Act No. 11313 o ang “Safe Space Bill” o Anti-Bastos Bill.

Kung dati ay sa Quezon City lamang bawal ang “catcalling”, sa pamamagitan ng Anti-Bastos Law ay bawal na ito sa buong bansa.

Ang bagong batas na layuning proteksiyonan ang gender-based sexual harassment ay ipatutupad sa mga kalsada, pampublikong mga lugar, online, work places at maging sa mga paaralan at training institutions.

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noon pang Abril 17, 2019 at hindi ito napaso para maging batas, taliwas sa naunang pahayag ng ilang oposisyong mambabatas.

Nakapaloob sa Anti-Bastos law na bawal na ang mga paninipol, pagtawag ng kung ano-ano, panghihipo o mga negatibong parinig lalo na sa mga kababaihan at sa LGBT.

Kabilang din dito ang online sexual harassment gaya ng pananakot, panghihimasok sa privacy at cyber stalking.

Ang mga mapapatunayang lumabag sa nabanggit na batas ay pagmumultahin ng mula P1,000 hanggang P100,000 at maaari ring makulong ng hanggang isang buwan depende sa uri ng ginawang pambabastos o gender-based harassment.

Multang P100,000 hanggang kalahating milyong piso naman ang parusa sa online harassment.

Inaatasan ang local government units na magpasa ng ordinansa para maipairal ang Anti-Bastos law habang ang Philippine National Police at Metro Manila Development Auhtority naman ang inaatasang manghuli sa mga lalabag sa nabanggit na batas.

Ang mga paaralan ay inaatasan ding magtakda ng mga mekanismo para sa mga reklamo ng mga estudyante at faculty members.

Ang Philippine Commission on Women ang mangunguna sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?