49
ABANTE-TNT sc petision martial law extension
By

Panibagong petisyon kontra ML extension, inihain sa SC

Panibagong petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng muling pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao ang inihain sa Korte Suprema.

Ang bagong petisyon ay isinampa ng mga human rights advocate at mga militanteng kongresista na kinabibilangan nina Gabriela Reps. Emmie de Jesus at Arlene Brosas; Anakpawis Partylist Reps. Ariel Casilao, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago.

Ang mga petitioner ay kinatawan ng mga abogado nila mula sa National Union of People’s Lawyers.

Ayon sa mga petitioner, walang sinasandahang ligal na batayan ang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao dahil natapos na ang giyera sa Marawi noon pang Oktubre ng nakalipas na taon.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga petitioner na ang Martial Law extension ay mauwi sa pagdami ng mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao.

Naniniwala ang mga petitioner na nakagawa ng pagmamalabis o grave abuse of discretion ang Kongreso nang payagan nito ang isang taong muling pagpapalawig sa Batas Militar sa Mindanao, pati na ang pagsuspinde sa privilege of the writ of habeas corpus sa nasabing rehiyon.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Senate President Aquilino Pimentel III, House Speaker Pantaleon Alvarez, Executive Secretay Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces Chief General Rey Leonardo Guerrero at Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa.

Nauna nang naghain ng petisyon laban sa Martial Law extension sa Mindanao ang grupo ng mga mambabatas mula sa oposisyon sa Kamara de Representantes. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?