265
Roque
By

Panibagong nakawan sa NAIA, tiyak boljak ‘yan – Roque

Sharing is caring!

Aasahang may masasabon na naman si Pangulong Rodrigo Duterte matapos mag-viral ang video ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na nawalan ng mga gamit sa bagahe pagdating sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na batid ng mga opisyal ng gobyerno at ng publiko na nagagalit ang Pangulo kapag nababalitaang may nanakawang pasahero lalo na kapag OFW dahil parang ang Presidente ang binastos dito.

“Boljak, boljak na naman iyan kung sino ang responsable diyan sa nakawan na iyan. Alam ninyo naman ang Presidente, lalung-lalo na ang OFW, huwag ninyong lalapastanganin iyan dahil parang nilapastangan ninyo na ang Presidente dito. Boljak na naman po iyan,” ani Roque.

Ayaw namang isipin ng kalihim na talagang sinadya ang insidente para isabotahe ang administrasyon.

Sinabi ni Roque na ayaw niyang isiping sinasadya ang pagnanakaw sa laman ng bagahe ng mga psahero sa airport kaya hintayin na lamang kung ano ang gagawin ng Pangulo kapag nakarating na rito ang impormasyon.

“Baka naman hindi. Let’s give them the benefit of the doubt. Pero kung nakawan na naman iyan, naku nakita ninyo naman ang reaksiyon ng ating Pangulo. Hindi po papayagan iyan dahil ang ating mga OFWs, iyan po ay mga bayani ng ating bayan,” dagdag pa ni Roque.

Nag-viral sa social media ang video ng isang galit na galit na pasaherong kadarating lamang sa bansa mula sa Hong Kong matapos mapansing wala na ang kandado ng kanyang suitcase at nang i-check ay wala na ang laman na iPad, pabango at chocolates sa loob ng kanyang bag.

Matatandaang sa talumpati ng Pangulo sa Filipino community sa Hong Kong nitong Huwebes ng gabi ay ipinagmalaki nitong wala nang magaganap na nakawan ng mga bagahe dahil sinibak na niya ang lahat ng mga empleyado ng MIASCOR na nangangasiwa sa pagdiskarga ng mga bagahe ng mga pasahero sa eroplano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?