rodrigo-duterte
By

Panibagong impeachment complaint vs. Duterte, ‘di uusad sa Kamara – Umali

Sharing is caring!

Wala pa man ay mistulang tablado na kaagad sa House committee on justice ang anumang impeachment complaint na maihahain laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y makaraang sabihin ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng komite, na malabong magtagumpay ang panibagong reklamong impeachment laban sa Pangulo.

Gayunpaman, sinabi ni Umali na dadaan sa proseso ang impeachment complaint dahil tungkulin nila ito sa ilalim ng batas.

Reaksyon ito ng kongresista sa pahayag ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano na pinag-aaralan ng kanilang grupo ang muling paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte.

“I don’t think there is a clamor or support to impeach President

Duterte. But I will process any impeachment complaint as a matter of our constitutional duty,” ani Umali.

Una rito, ipinahiwatig ni Alejano ang planong paghahain impeachment complaint laban sa Presidente dahil sa umano’y pagpapabaya at pagiging sunud-sunuran sa China sa isyu ng West Philippine Sea.

Gayunman, aminado ang kongresista na walang saysay ang hakbang na ito kung mananatili ang komposisyon ng Kamara na karamihan ay mga kaalyado ng Pangulo.

Noong Martes, May 8 ay natapos na ang one year period para sa unang impeachment complaint na inihain ni Alejano, na ibinasura ng komite ni Umali dahil sa umano’y kawalan ng laman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?