65

May 3, 2021 @ 16:53
By

Pangungutang iiwasan sa pagpondo ng mga proyekto – Salceda

Maghahanap ang House Committee on Ways and Means ng dagdag na pagkakakitaan ang gobyerno upang mapondohan nito ang mga kinakailangang proyekto nang hindi nangungutang.

Ito ang sinabi ng chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda matapos na aprubahan ang pagkukuhanan ng pondo para sa mga programa sa ilalim ng Bayanihan to Arise As One o Bayanihan 3.

Sinabi ni Salceda na malaki ang magiging epekto sa bansa ng labis na pangungutang kaya magiging abala umano ang kanyang komite sa paghahanap ng pondo katuwang ang Department of Finance.

“We are already in front of the pack among all members of the ASEAN. So, we are trying to trim the deficit impact as much as we can,” sabi ni Salceda.

Pinag-uusapan na umano ang pagpasa ng maayos na pagbubuwis sa e-sabong at Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Itinutulak din ng komite ang pagpapataw ng value added tax sa mga digital company na nagnenegosyo sa bansa, pagpapataw ng angkop na buwis sa pagmimina at panukalang Ease of Paying Taxes Act.

“We will also continue working with the DOF and with the revenue agencies to improve tax administration and enforcement, using our briefings and investigations to do fact-finding,” dagdag pa ni Salceda.

Ngayong araw, Mayo 3 ay inaprubahan ng komite ni Salceda ang pagkukuhanan ng pondo para sa Bayanihan 3.

Kabilang dito ang paggamit ng pondo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang pagtataas ng ibinibigay na kita ng mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) sa national government na gagawing 75% ng kanilang kinita mula sa 50%.

Bibigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo na kunin ang mga sobrang kapital ng mga GOCC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?