64

By

Pangulong Duterte lumipad na patungong Russia

Bumiyahe na si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang limang araw na working visit sa Russia.

Ang biyahe ng Pangulo ay bilang pagpapaunlak sa imbistasyon sa kanya ni Russian President Vladimir Putin.

Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ng Pangulo ay ang pagdalo sa isang forum sa Sochi City kung saan makakasama nito ang ilang world leaders.

Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nitong sasamantalahin nito ang pagkakataon para lalo pang mapalawak at mapaigting ang relasyong bilateral ng Pilipinas at Russia.

Tatalakayin aniya nila ni President Putin ang mga paraan kung paano mapatatag ang kooperasyon sa larangan ng defense and security, paglaban sa terorismo, extremism at paglutas sa transnational crimes.

“I leave today for an official visit to the Russian Federation upon the invitation of President Vladimir Putin. Certainly, I will take the opportunity to discuss regional and global developments that impact the Philippines and Russia as key points of convergence of national interests where we can work together,” anang Pangulo.

Magiging tampok sa working visit ng Presidente ang nakatakdang bilateral meeting nila ng kanyang idol na si Putin at inaasahan ang ilang lalagdaang kasunduan.

“We expect key agreements — including in political cooperation, health, science and technology, and culture — to be signed,” dagdag pa ng Pangulo.

Kasamang bumiyahe ng Pangulo sa pamamagitan ng chartered flight ang opisyal na delegasyon sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Agriculture Secretary William Dar, Labor Secretary Silvestre Bello III, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles.

Kasama rin sa official delegation ng Presidente sina Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu, DILG Secretary Eduardo Año, Energy Secretary Alfonso Cusi, Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon, Presidential Spokesman Salvador Panelo, Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta at Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?