16

Jul 29, 2021 @ 14:14

Pangontra sa Delta: Pagbabakuna bilisan – Duterte

Pinabibilisan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang vaccination rollout laban sa COVID-19 para makaiwas sa peligro ng Delta COVID variant ang mga Pilipino.

Sa kanyang regular Talk to the People, sinabi ng pangulo na huwag ng hintaying sapitin ng Pilipinas ang nangyayari ngayon sa Indonesia, Thailand at Malaysia na inaatake ng Delta variant na marami ang namamatay dahil sa bagsik ng virus kaya back to square one ang mga ito.

Pero batid ng pangulo na hindi tuloy-tuloy ang pagdating ng supply ng bakuna kaya gamitin agad ang mga bakunang nakarating na sa bansa.

“The best way really is to double the time in the inoculation of people. Iyon lang talaga ang paraan natin and we just hope that what we expected to be coming our way in the coming few days ang mga bakuna darating sana,” anang pangulo.

Para naman sa ayaw magpabakuna, sinabi ni Pangulong Duterte na ibigay sa iba ang COVID vaccine para makaligtas sa peligro ang mga gustong magpabakuna.

“Itong ayaw magpabakuna, ibigay na lang kaagad doon sa A3, doon na lang sa public kung sinong gusto. Yung ayaw magpabakuna sa listahan wala, eh di ayaw nila. Ibigay natin sa iba para makatulong,” dagdag ng pangulo.

Target ng gobyerno na maabot ang population protection sa buwan ng Setyembre o sa huling quarter ng taon para kahit papaano umano ay maging maganda ang pasko ng mga Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?