301

Jul 3, 2019 @ 17:47
By

Pangmahihirap na programa sentro ng SONA ni Duterte

Sinimulan nang balangkasin ng mga opisyal ng Malacañang ang magiging laman ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles, nagsimula nang magsumite ng kanilang output ang iba’t ibang departamento na gagawing basehan ng Office of the President para hindi na maulit ang mga inilahad sa pre-SONA activities ng mga gabinete.

Sinabi ni Nograles na magiging sentro ng SONA ng Pangulo ang mga polisiya ng gobyerno at mga pangmahihirap na programang ipagpapatuloy sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino.

Kabilang dito ang Build, Build, Build program; poverty alleviation programs at ang pinalakas na kampanya kontra korapsiyon, kriminalidad at iligal na droga.

Sinabi ni Nograles na pagkatapos ng SONA ng Pangulo ay magkakaroon din ng post-SONA activity para maidetalye ang mga sasabihing isyu sa Hulyo 22.

Sa unang pre-SONA activity ng economic managers noong Lunes ay inisa-isa ng mga gabinete ang mga nasimulan at natapos nang mga programa ng pamahalaan sa nakalipas na tatlong taon ng Duterte administration, pati na ang mga nakalinya pang mga malalaking proyekto na inaasahang matatapos sa mga susunod na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?