63

Jul 17, 2021 @ 20:44
By

Pangilinan: VP Leni nagdedesisyon pa tungkol sa 2022

Ipinagtanggol ni Liberal Party president at Senador Francis Pangilinan nitong Sabado si Vice President Leni Robredo kaugnay ng pagiging ‘indecisive’ umano ng pangalawang pangulo sa kanyang balak gawin sa 2022 elections.

Sa panayam sa Teleradyo, nilinaw ni Pangilinan na pinagiisipan lamang nang maayos ni Robredo ang kanyang dapat maging desisyon.

“She is the most qualified . . . Kinakailangan pa niyang magdesisyon. Gusto ko lang liwanagin and we beg to disagree that she is indecisive, she is not. She is deliberate, she is weighing things,” wika ng senador.

Inihalintulad pa nga ng Liberal Party president ang sitwasyon ni Robredo noong 2010 at 2016 presidential elections kung saan nahuling magdesisyon sina yumaong dating Pangulo Benigno Aquino III at Pangulong Rodrigo Duterte ngunit sila ang nanaig sa halalan.

“Sa mga nagsasabing hindi siya makapagdesisyon dahil dapat magdesisyon na siya, with all due respect, sabi dapat magdesisyon nang maaga pero noong 2016 at 2010, hindi nagdesisyon nang maaga ‘yung mga nanalo,” sambit pa ni Pangilinan.

Sinabi pa ng mambabatas na buo ang tiwala niya sa bise presidente at sa anomang magiging desisyon nito.

“I trust Vice-President Leni and her instincts. Hintayin natin na siya ay magpasya. Siyempre ang panalangin natin ay magpasya siya na tumakbo,” saad ng senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?