45

Dec 5, 2017 @ 13:47
By

Pangilinan: Gawin patas ang imbestigasyon sa dengue vaccine

Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Justice (DOJ) at sa National Bureau of Investigation (NBI) na gawing patas ang imbestigasyon ng dengue vaccine program ng Department of Health (DOH).

Binigyang-diin na kaisa siya at ang Liberal party sa paghahangad na imbestigahan ang mga isyu ukol sa bakuna dahil nakataya ang buhay ng mga bata pero idiniin na hindi dapat “selective” ang imbestigasyon.

Sinabi ito kasunod ng utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa DOJ na imbestigahan ang dengue vaccination program kung saan kasama sa pangunahing puntirya si dating pangulong Noynoy Aquino na kasamahan ni Pangilinan sa Liberal Party.

Ipinunto ng senador na inumpisahan ang pagbabakuna kontra dengue noong Aquino administration at ipinagpatuloy naman ng Duterte administration.

“We support calls for investigation of this issue as thousands of children’s lives are at stake here. We must ensure that the investigation will not be selective and will cover all periods of implementation of the program,” ani Pangilinan.

Habang ginagawa ang imbestigasyon, umapela ito na huwag munang husgahan ang vaccination program at hintayin ang rekomendasyon ng World Health Organiation (WHO) at ang impormasyon buhat sa mga bansa kung saan ito ginamit – sa Singapore, Thailand, Indonesia, Mexico, Brazil, El Salvador, Costa Rica, Paraguay, Guatemala at Peru.

“Pakinggan muna natin ang mga independent health experts bago tayo humusga. Kung ang mga abogado may kanya-kanyang interpretasyon ng batas, ganun din sa medical community, na may kanya-kanyang punto de bista sa isang usaping pangkalusugan,” ani Pangilinan.

“Ang mga mamamayan ba nila ay nakaranas ng masamang epekto ng bakuna? Kinukwestyun din ba sa ibang bansa ang paggamit ng bakuna? Pinapanagutan ba nila ang kanilang mga opsiyal?’”dagdag nito.

“Matapos natin malaman ang puno’t dulo at sa ating palagay ay may mga nagkulang, doon natin itulak na managot ang mga naging pabaya o nagkulang sa diligence,” ayon pa kay Pangilinan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?