269

Nov 29, 2017 @ 11:37
By

Pangilinan, binanatan sa pagdami ng mga kabataang ‘di napaparusahan

Inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na pasimuno kaya dumami ang mga kabataang naging sakit ng ulo at kalaunan ay naging halimaw sa lipunan.

Ito ay dahil sa kanyang Juvenile Offender’s Law kung saan hindi maaaring mapanagot sa batas ang mga kabataang may edad 15 pababa kahit nakagawa ng krimen.

Sinabi ng Pangulo na karamihan ngayon sa mga gumagawa ng krimen ay mga kabataan at kapag nahuli ng mga awtoridad ay hindi napaparusahan dahil sa batas ni Pangilinan.

“If there is anybody who created the monster — Pangilinan, iyong Juvenile Offender’s Law niya. Straight below 15 walang kulong kaya makita mo diyan sa EDSA, panay ang snatching, takbo — walang huli-huli ‘yan,” ang pahayag ng Pangulo.

Kaya aniya paglaki at ganap nang lampas sa kabataan ay mas malalang krimen ang nagagawa, pumatay ng mga babae, carnapping at kung ano-ano pa na nakakagalit.

“From the formative years diyan sa kalye, nagka-letse letse ang buhay. They are now adults. Noon nagtatakip pa ng mukha, ngayon wala na , diretso na. They stop you, ilang babaeng biktima patayin for nothing, kunin ang sasakyan. Trip lang, kaya diyan ako galit!” dagdag pa ng Presidente.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na kaibigan pa rin niya si Pangilinan dahil may utang na loob siya dito, kaya susuportahan pa rin niya ito sa politika. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?