208

Oct 2, 2020 @ 13:45
By

Pangilinan: Beep card dapat libre

Kinastigo ni Senador Francis Pangilinan ang aniya’y walang saysay na pagpapatupad ng “no Beep card, no ride policy” sa Metro Manila mass transport system.

Napupuwersa aniya ang mga mananakay na maglabas ng extra cash para bumili ng P80 card at i-maintain ang required na P70 balance para rito.

“At syempre, iba pa ang load sa P80 na pagbili ng Beep card. Iyong iba sa ating manggagawa arawan ang sweldo at walang ekstrang pera,” pahayag ni Pangilinan sa isang statement.

“Ipinangungutang pa ang pamasahe dahil talagang walang-wala, tapos pipilitin pa silang bumili ng Beep card at mag-iwan ng maintaining balance para magamit ang card. Ano ba naman ‘yan?” dagdag pa nito.

“Beep card nga pero ‘di man lang bumusina. Ang tagal na ng lockdown. Ang tagal nang hirap ang mga taong walang masakyan. Ang tagal nang walang pasada ang mga jeepney drivers,” ayon pa sa senador.

Isa sa mga amiyendang ginawa ni Pangilinan sa Bayanihan 2 (Republic Act 11494) ay magbigay ng kabuhayan sa mga nawalan ng trabaho sa sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng service contracting na may alokasyon na P5.58 bilyon.

Ang service contracting scheme ay isang system kung saan magbabayad ang gobyerno sa public utility vehicles (PUVs) ng fixed fee kada araw o o kada kilometro. Kapalit naman nito ay tatanggap ng gobyerno ng fare revenue na kinokolekta mula sa mga mananakay.

“It’s a win-win solution: PUV operators receive stable income, while commuters receive stable service. Gawin na agad ito,” ani Pangilinan.

Sa isyu pa ng Beep card, nanawagan ito sa DOTr na atasan ang libreng distribusyon ng mga card at tanggalin ang requirement para dito.

“Kaisa ako sa panawagan ng mga manggagawa at pasahero na i-waive na ang purchase, maintenance at convenience fees. Libre dapat yung card. Dapat yung pamasahe o load lang ang bayaran,” sabi ng senador.

Nagkaroon na aberya ang unang araw ng implementasyon ng nasabing polisya matapos magulat ang mga mananakay na kailangan pa nilang magbayad nang extra para sa card na nagkakahalaga ng P80.

Bukod sa one-time card purchase, nire-require din ng bagong sistema na ang mga pasahero ay dapat maintaining balance na P70 para sa bus ride.

Dahil dito, napilitan ang mga manggagawa na maglakad dahil wala silang dalang extra cash.

“Magpipitong buwan na, wala pa ring malinaw na plano para sugpuin ang COVID. Nasaan ang mga polisiyang tutulong sa mga naapektuhang manggagawa at pasahero? Our economy will not be able to move forward away from the ill effects of the pandemic without them,” ani Pangilinan.

“We need our workers, including our PUV drivers, to get going so we could rise from this crisis. Government must do its share by fixing the transportation system and unburden the people with irrational policies,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?