31

Jul 1, 2020 @ 14:42
By

Panggigipit sa ABS-CBN diniin pa – Pangilinan, Hontiveros

Dismayado ang dalawang senador sa pag-isyu ng National Telecommunications Commission (NTC) ng panibagong cease-and-desist orders laban sa ABS-CBN kaugnay ng pag-operate nila sa Channel 43 (Sky Direct) at TV Plus.

“We hope the Supreme Court steps on the brakes on this madness. Libu-libong mga empleyado ng istasyon ang mawawalan ng trabaho at milyon-milyon naman na manunuod ang mawawalan ng access sa impormasyon sa kahibangan na ito,” reaksiyon ni Senador Francis Pangilinan.

Ayon pa sa senador, pilit umanong dinidiin ng administrasyon ang panggigipit sa ABS-CBN habang kapalpakan naman ang ipinapakita sa pagsugpo sa COVID-19 pandmic at pagbigay ng ayuda sa walang makain.

“Ang mga ganid sa kapangyarihan, walang hangganan–liban na lang kung tutulan at pigilan ng ating mga korte o ‘di kaya ng taumbayan sa pamamagitan ng mariing pagtutol at pagkondena,” sabi ni Pangilinan.

“Huwag matakot magsalita at punahin ang pagmamalabis at palpak na pamumuno na nagaganap sa ating bansa,” sambit pa nito.

Ayon naman kay Senadora Risa Hontiveros, nakakabahala ang ginagawang panggigipit ng gobyerno sa ABS-CBN dahil nagresulta aniya ito sa paglimita sa access ng mamamayan sa impormasyon.

“Nakakabahala. Sa panahon ng pandemya, nililimitahan pa natin lalo ang access ng publiko sa mga mahahalagang impormasyon. Mas dinadagdagan din lalo natin ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho,” giit ni Hontiveros.

Dahil nasa krisis ang bansa at bukod sa napakahalga ang magkaroon ng access ang tao sa impormasyon, umaasa ang senadora na ikokonsidera ng NTC ang kanilang kautusan.

“Especially because of the COVID-19 global pandemic, we need to uphold freedom of the press, secure the rights and welfare of workers, and improve the public’s access to life-saving information,” ani Hontiveros.

Sabi ng NTC sa ABS-CBN franchise renewal hearing ng Kamara nitong Lunes, kasama sa pinasara nila noong Mayo 5 ang digital platforms ng Kapamilya network.

Wika naman ni ABS-CBN CEO at President Carlo Katigbak, ang Kapamilya Channel ay pinapalabas sa AMCARA Channel 43 na aniya’y hindi pagmamay-ari ng network at nasa ilalim ng block-time arrangement, kung saan bumili sila ng airtime para maere ang kanilang mga programa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?