104

Jul 18, 2021 @ 16:42
By

Pangangalaga sa Intramuros ibalik sa Manila Mayor – Atienza

Ipinababalik ni Deputy Speaker at Buhay Rep. Lito Atienza sa alkalde ng Maynila ang pangangalaga sa Intramuros at iba pang makasaysayang lugar sa lungsod.

Naniniwala si Atienza na makakabuti kung si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mangunguna sa Intramuros Administration (IA) na nangangasiwa upang pangalagaan ang 64 ektaryang Intramuros, na ngayong taon ay mag-500 taon.

Inihain ni Atienza ang House Bill 2592 upang ibalik sa alkalde ng Maynila sa pamamagitan ng pagluklok dito bilang chairperson ng IA.

Ang alkalde ng Maynila ang nangangasiwa sa Intramuros hanggang noong 1979 nang itayo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang IA na nasa ilalim ng ngayon ay buwag ng Ministry of Human Settlements.

Si dating First Lady Imelda Marcos ang unang chairperson ng IA bilang minister ng Human Settlements.

Noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino inilipat ang IA sa Department of Tourism (DOT) noong 1987.

Si Atienza ay naghain din ng dalawang panukala para sa pagbabalik sa Maynila ng pangangasiwa sa Rizal Park na nasa ilalim ng National Parks Development Committee at Club Intramuros Golf Course na pinangangasiwaan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?