50

Apr 18, 2021 @ 14:13
By

Pangakong taas-sahod sa mga guro, ipinaalala kay Duterte

Sa paglapit ng pagdiriwang ng Labor Day, ipinaalala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ito manalo noong halalan 2016 na tataasan nito nang P10,000 ang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Ayon kay Raymond Basilio, ACT Secretary General may panahon pa para tuparin ni Duterte ang pangakong ito bago matapos ang kanyang termino sa susunod na taon.

Sinabi ni Basilio na sa inaprubahang Salary Standardization Law V noong 2020, aabot lamang sa P1,562 ang itataas sa buwanang sahod ng mga guro sa loob ng apat na taon.

“The paltry salary adjustments of SSL V are clearly a scam as the increases only reverted to the government in the form of increased income taxes and mandatory contributions to PhilHealth and GSIS. Sa taas ng presyo ng bilihin ngayon at laki ng gastos sa distance learning, abonado pa ang mga guro,” sabi ni Basilio.

Ang hindi umano pagtupad ni Duterte sa kanyang pangako ay pagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa mga guro

“Nasaan ang pagpapahalaga ng gobyerno sa mga sakripisyong ito?” dagdag pa ni Basilio.

Mayroon umanong pagkukuhanan ng pondo ang gobyerno kaya hindi maaaring idahilan ang pandemya.

“Huwag nilang sabihin na pandemya at krisis ngayon kaya hindi maibibigay ang pangakong dagdag sweldo, samantalang nagtatambak na naman sila ng dolomite sa Manila Bay at nag-uubos ng bilyun-bilyon sa Build, Build, Build at red-tagging,” wika pa ni Basilio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?