4

By

Pang-apat na petisyon vs ML extension, inihain sa Korte Suprema

Sharing is caring!

Panibagong grupo ng mga abugado at human rights advocate na kinabibilangan nina Dinagat Island Representative Arlene Bag-Ao at dating Commission on Elections Chairperson Christian Monsod ang inihain sa Korte Suprema laban sa pagpapalawig ng martial law Mindanao.

Ang paghahain ng pang-apat na petisyon ay inihabol bago mag-ala singko ng hapon kanina.

Hiniling din ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao at ideklarang unconstitutional ang martial law re-extension dahil sa kawalan ng sapat na factual basis.

Wala na umanong batayan para sa pag-iral ng batas militar sa rehiyon dahil napalaya na naman ang Marawi City mula sa mga terorista at napaslang na ang mga pinuno ng Maute Group na naglunsad ng rebelyon sa Marawi.

Magkaiba rin umano ang sinasandigang insidente ng rebelyon sa naunang batayan ng proklamasyon ng martial law sa Mindanao sa rebelyon na tinutukoy sa muling pagpapalawig ng batas militar sa nasabing rehiyon.

Anila, ang pinagtibay kasi ng Korte Suprema na nagaganap na aktwal na rebelyon sa Mindanao sa kanilang desisyon na pabor sa deklarasyon ng martial law noong Hulyo 2017 ay ang krisis sa Marawi.

At bagamat, muli umanong bumubuo ng grupo ang mga nalalabing puwersa ng terorista sa Mindanao, hindi naman ito maituturing na aktwal na rebelyon.

Dagdag pa ng mga petitioner, bagamat nagbanta ang Communist Party of the Philippines ng mas pinaigting na pag-atake ng New People’s Army kasunod ng pagkansela sa ikalimang round ng peace talks, hindi naman nakasaad ang bantang ito ng mga komunista sa unang pagpapalawig ng martial law na hiningi ni Pangulong Duterte.

Hindi rin kumbinsido ang mga petitioner na ang ginagawang pag-atake ng NPA na bagamat maituturing na rebellious acts ay hindi naman sasapat sa antas ng rebelyon na itinatakdang batayan sa Konstitusyon sa pagdedeklara ng batas militar. (Maricel Diaz) Maricel Diaz Maricel Diaz

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?