61

Jan 27, 2021 @ 22:38
By

Pang-aabuso sa mga Pinay sa PH Embassy sa Syria isiniwalat ng US newspaper

Binunyag sa isang article ng Washington Post ang hirap na dinadanas ng mga Pilipinang ipinasok nang iligal sa Syria.

Ayon sa Washington Post article na may pamagat na “Sold into Syrian servitude, Filipina workers tell of abuse, rape and imprisonment”, 35 na babaeng trafficking victim ang nakatengga sa Philippine Embassy sa Damascus, Syria.

Ilan sa mga Pilipina ay dalawang taon na umanong na-stranded sa embahada dahil sa kawalan ng Syrian exit visa at pera para makauwi sa Pilipinas.

Marami raw sa mga ito ang tumakas sa kanilang mga employer at nagpasaklolo sa Philippine Embassy pero hindi umano maayos ang trato sa kanila ng embassy staff.

Binanggit din sa news article na sinumang nahuhuli na kumukuha ng pagkain sa kusina ay dalawang linggong hindi binibigyan ng agahan bilang parusa.

Pinipilit din umano ng embassy staff ang mga Pinay na bumalik sa kanilang mga amo at kinumpiska ang kanilang mga cellphone upang hindi makapagsumbong sa pamilya.

Samantala, tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na agad iuuwi sa Pilipinas ang mga naturang Pilipina at naglunsad na ng imbestigasyon para rito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?