82

Nov 5, 2019 @ 14:50
By

Pang-5 na Seal of Good Local Governance award nakuha ng Caloocan

Muli na namang kinilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Caloocan City bilang awardee ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa ikalimang pagkakataon.

Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, sunud-sunod na mga taong 2015 hanggang 2019 nakatanggap ng award ang lungsod kaya masasabing maayos ang serbisyong naibibigay sa mga residente ng Caloocan.

Kasama niyang tumanggap ng prestihiyosong pagkilala sina Cong. Along Malapitan, DILG Caloocan Director Marco Cabueños at iba pang opisyales ng lungsod.

Ang SGLG ang pinakamataas na parangal na ginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaang nagpamalas ng kahusayan at katapatan sa iba’t ibang aspeto ng pagseserbisyo-publiko tulad ng social protection, financial administration, disaster preparedness, peace and order at iba pa.

Kabilang ang Caloocan sa tanging dalawang lungsod sa buong National Capital Region na nakakuha ng sunud-sunod na parangal mula 2015 hanggang 2019.

“Nagpapasalamat ako sa suporta at kooperasyon ng bawat mamamayan ng Caloocan upang muling makamit ang pagkilala na ito,” ayon sa alkalde.

“Ang parangal na ito ay sumasalamin sa ating tapat at maayos na pamamahala sa lungsod. Asahan ninyo na patuloy ang ating pagganap sa ating tungkulin upang hanggang sa matapos ang aking huling termino ay makakuha tayo ng ganitong parangal at patuloy na maiangat ang lungsod ng Caloocan,” dagdag ni Malapitan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?