24

Sep 22, 2020 @ 18:43
By

Panelo: Taob mga kalaban sa 2022 Duterte-Duterte tandem!

Ipinahiwatig ng abugado ng Malacañang ang posibilidad na mag-tandem sa 2022 Presidential elections sina Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa kanyang programang “Counterpoint” nitong Lunes, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na hindi malayong magtandem sa pagka-Pangulo at pangalawang Pangulo ang mag-amang Duterte sa susunod na eleksiyon.

Tinalakay ni Panelo sa kanyang programa ang isyung pangkalusugan ng Pangulo at tiniyak na matatapos nito ang kanyang termino at ipinahiwatig na posibleng hindi pa ito makapagretiro sa politika sakaling mahikayat ito na maging tandem ng kanyang anak na si Mayor Sara sa susunod na pampanguluhang eleksiyon.

“Huwag kayong mag-alala tatapusin ng Presidente ang kanyang termino, unless.. Naku may unless, maintriga naman kayo. Between us, ‘wag niyo na lang sasabihin sa iba ha, sikreto,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na kapag nagtandem ang mag-amang Duterte ay tiyak na taob ang kanilang mga kalaban ,kagaya ng nangyari noon sa Davao City kung saan walang gustong lumaban sa kanila dahil tiyak na matatalo lamang ang mga ito.

“Gusto ko itong Presidenteng ito tumakbong Bise Presidente sa kanyang pinatatakbo rin na anak na si Mayor Sara Duterte na Presidente. Ang ganda, Duterte-Duterte, ah wala na, patay ang operasyon kapag tumakbo ang dalawang ito,” dagdag ni Panelo.

Gayonman, ani Panelo, parehong ayaw ng alkalde at ng Presidente na tumakbo pero naniniwala ito na kung ito ang nakaguhit sa kanilang tadhana ay walang magagawa ang mga ito.

“Kaya lang itong dalawang ito, parehong ayaw tumakbo. But sabi ko nga kay Mayor Sara, just like your father, you have an appointment with history and a date with destiny. Ganyan ang nangyari kay Presidente noon, sampung taon nating linigawan, binuwisit at tumakbo. Ayaw naman niya talagang tumakbo pero talagang destined siya kaya wala siyang magagawa,” wika ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?