20

Oct 10, 2017 @ 17:21

Panelo sa non-lawyer senators: Mag-crash course kayo sa batas

Iminungkahi  ni  Chief  Presidential Legal Counsel  Secretary  Salvador Panelo na kumuha  ng  crash course sa  batas  ang  mga  hindi abugadong senador  bilang  paghahanda  sakaling  magtuloy-tuloy ang impeachment case  laban kay Supreme Court  Chief  Justice Maria Lourdes Sereno.

Sinabi kahapon ni Secretary Panelo na malaking  bagay na  makapaghanda  ang  mga  senador  na  walang  background sa  abugasya  para  alam nila ang  gagawin sakaling gumulong  ang  impeachment  proceedings.

“Dapat iyong mga senador natin eh kung hindi sila abogado eh kailangan mag crash course sila on law, kasi importante iyon para alam nila kung iyong pag quote ng isang bagay ay within the law or outside the law,” sabi ni Panelo.

Mahalaga  rin aniyang  huwag  magpadala  sa agos  at  impluwensiya  ng  publiko ang  mga  senador  at panindigan ang  posisyon sa  impeachment.

Naniniwala  ang Palasyo na   maraming  natutunan ang  senado sa  impeachment  proceedings  ni dating  Supreme Court Chief  Justice Renato Corona at  makakakuha  ang  mga senador  ng mga  puntos  sa  sandaling  muli silang  magiging hukom sa  impeachment .

Sa  ngayon ay  nasa  kamara  pa  ang  impeachment  complaint ni Chief  Justice  Sereno na  isinampa  ni Atty. Larry Gadon. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?