101

Feb 26, 2021 @ 18:20
By

Panelo ginatungan ang Bong Go-Duterte tandem

Kung hindi uubra si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para maging susunod na presidente, posibleng si Senador Bong Go ang ilalaban para sa 2022 presidential elections at magiging bise nito si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo sa kanyang programang “Counterpoint” sa telebisyon.

Ayon kay Panelo, nabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa Surigao na hindi niya patatakbuhin ang kanyang anak na si Mayor Sara dahil sa maduming politika.

Nabanggit aniya ng Pangulo na ang kanyang choice ay si Senador Go kaya lumutang ang posibleng tandem nila sa 2022.

“Doon sa Surigao nagbanggit si Presidente: ‘Ang aking Presidente, and aking choice ay si Senador Bong Go’. Kaya ngayon, lumalabas ngayon na si Christopher Bong Go ay maaari ding tumakbo na Presidente at ang Bise Presidente niya ay si Presidente Duterte,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na makailang beses nang inihayag na hindi niya patatakbuhin ang kanyang anak na panganay kaya maghahanap ito ng iba.

“Dahil nagsalita si Presidente na ayaw niyang patakbuhin si Mayor Sara, ang sabi niya hanap tayo ng iba. At mukhang sa pananaw niya ay ito na lang si Bong Go,” dagdag ni Panelo.

Hindi aniya maninibago sa trabaho si Go sakaling siya ang magiging manok ng Pangulo sa pagka-presidente dahil palagi niya itong kasama at nakikita ang mga ginagawa nito.

“Inaalalayan pa niya si Presidente, sa mga lakad ng Presidente at sa pulong ng gabinete kaya maganda ang kanyang relasyon kay Presidente at nagagamit niya bilang senador,” wika ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?