10

Nov 5, 2020 @ 19:57
By

Panelo binuska si Joma Sison

Pinagtawanan ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison dahil sa pagtangging siya ang nagbanggit sa mga progresibong grupong may kinalaman sa kanilang kilusan.

Sinabi ni Panelo sa kanyang programang “Counterpoint” na napanood niya ang video ni Sison nang magtalumpati ito sa isang grupo sa Brussels, Belguim at malabo ang bintang nito sa militar na spliced ang video.

Nagpapatawa aniya si Joma dahil tuloy-tuloy ang video na iprinisinta sa Senado kaya malabo ang palusot nito na spliced ang ipinakita ng militar.

“Ito namang si Joma Sison tanggi nang tanggi. Ako napanood ko ‘yung video na ‘yun eh, aba’t itinatanggi ni Joma, sabi spliced daw ng military. Oh c’mon Joma, ikaw naman. Madali mo lang malalaman ‘yung spliced, eh tuloy-tuloy ‘yung talumpati mo doon, ano ka ba,” ani Panelo.

Kahit aniya anong tanggi ni Sison ay mahirap itagong legal fronts ng CPP ang mga grupong tinukoy ng mga awtoridad na kumakalaban sa gobyerno.

Tanungin na lamang aniya ang mga dating miyembro ng New People’s Army na tumalikod sa kilusang komunista dahil sila ang magpapatunay kung ano-anong grupo ang kasabwat ng CPP-NPA para sirain ang pamahalaan.

“Tanungin n’yo sina Nilo Tayag, chairman dati ng Kabataang Makabayan, tanungin mo si General Victor Corpuz, dating rebelde, tanungin n’yo si Peter Mutuc, ‘yan ang mga miyembro pero ngayon they have gone back to the folds of society, they will tell you kung ano ang katotohanan,” dagdag ni Panelo. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?