102

Jul 26, 2019 @ 11:21
By

Panelo biglang bawi sa pag-veto ni Duterte sa endo bill

Mistulang naglaro ng “laban-bawi” si Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos kumpirmahin subalit makalipas ng isang oras ay binawi ang pahayag na vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill.

Pasado alas diyes Huwebes ng gabi ng kumpirmahin ni Panelo na vineto o ibinalik ng Pangulo sa Kongreso ang enrolled bill .

Subalit makalipas ang isang oras ay binawi nito ang kumpirmasyon at sinabing hindi vineto ng Pangulo ang Security of Tenure bill.

“Security of Tenure Bill not yet vetoed, PRRD is still studying pros and cons. Sorry for the error. We will know tomorrow for sure,” and text message ni Panelo sa mga reporter.

Idinahilan ni Panelo sa pagkakamali ang mahinang pandinig.

Ang security of tenure bill ang magsisilbing susi para matuldukan ang contractualization sa mga pribadong manggagawa sa bansa o ang tinatawag na “endo”.

Ang pagputol sa endo ang isa sa campaign promise ni Pangulong Duterte subalit hanggang ngayon ay marami pa ring kumpanya ang nagpapatupad ng “555” o nag-eempleyo ng hanggang limang buwan lamang para makaiwas na i-regular ang kanilang empleyado. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?