35
jbc
By

Panel interview ng JBC sa SC post applicants, sinimulan na

Sharing is caring!

Umarangkada na ang panel interview ng Judicial and Bar Council (JBC) sa mga aplikante para sa mababakanteng puwesto bunsod ng nalalapit na pagreretiro ni Associate Justice Presbitero Velasco.

Sinimulan ang panel interview alas-nuwebe ngayong umaga sa Division Hearing room ng Korte Suprema.

Hahatiin sa dalawang bahagi ang panel interview kung saan ang unang batch ng mga aplikante ay sasalang hanggang alas-12:00 ng tanghali mamaya habang ang ikalawang batch ay sasalang naman alas-dos ng hapon hanggang alas-singko ng hapon mamaya rin.

Kasama sa sasalang sa public interview sina Court of Appeals Justices Oscar Badelles, Manuel Barrios, Ramon Garcia, Amy Lazaro-Javier, Davao City Regional Trial Court Judge Carlo Espero II at dating Ateneo Law School Dean Cesar Villanueva.

Samantala, kandidato rin para sa posisyon sina Court Administrator Jose Midas Marquez, at Court of Appeals Justices Ramon Bato, Apolinario Bruselas, Rosmari Carandang, Ramon Paul Hernando at Jose Reyes, pero sila ay hindi na sasalang sa public inteview dahil hindi pa lumalagpas ang isang taon nang sila ay isalang sa panayam ng JBC.

Si Velasco ay sasapit na sa mandatory age retirement na 70 sa Agosto 8, 2018.

Ang JBC ang may mandato sa ilalim ng 1987 Constitution para magsala ng mga kandidato sa Hudikatura at sa posisyon ng Ombudsman at Deputy Ombudsman at magsusumite ng shortlist sa Pangulo na pagpipilian niya ng hihirangin sa puwesto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?