11,226

Jul 3, 2020 @ 22:39
By

Pandemya pinagkakitaan! Ramon Ang binutata mga bolero sa COVID testing

Nagpatama si San Miguel Corp. (SMC) President at CEO Ramon S. Ang sa mga indibiduwal na nagpapagawa ng COVID-19 testing facility, ngunit kakarampot lamang ang tine-test dahil sa kakulangan ng mga gamit.

“Sinasabi nila na yung RITM (Research Institute for Tropical Medicine), ang rated capacity ay 10,000 per day ang naprocess kahapon ay 70 percent. Kahanga-hanga ‘yun. Yung iba naman, rated capacity, kung 5,000 ang naprocess 2 percent lang,” pakli ni Ang sa inagurasyon ng COVID testing facility ng San Miguel Foundation sa EDSA, Mandaluyong na kayang mag-test ng 4,000 kada araw.

“Lahat sila kumikita sa gobyerno, lahat sila kumikita sa bayan pero puro pakitang-tao…”Yung swab booth, P1000 isa nun. Eh kung bibili ka ng 250,000 na swab kits, 250 million (pesos) yun. Yung swab (booth), pakitang-tao lang yun. Kailangan natin consumables. Kailangan natin swab kits. Kailangan natin totoong tumulong, hindi yung bola.Kailangan natin totoong tumulong, hindi yung bola.” aniya pa.

Aniya pa, marami umano ang kumikita dahil sa pandemya, habang ang iba naman ay ginagamit ang health crisis para pabanguhin ang kanilang mga pangalan.

Dahil dito’y hinimok ni Ang ang media na palutangin ang mga testing center na kita lang ang habol, kung saan mas pinipili ng mga Pilipino na huwag tangkilikin dahil sa sobrang mahal na singil.

“Kailangan imulat niyo yan sa taong-bayan. Who are the performers and who are not? Para mahiya silang lahat at mag-step up. So mga kababayan, sana po lahat tayo tumulong para matulungan ang mga mahihirap,” giit ni Ang.

Saad pa ng bilyonaryo, walang rason para pagdamutan ang mga Pinoy, mahirap man o mayaman para sa polymerase chain reaction (PCR) diagnostic test. Sa COVID-19 facility ng San Miguel Foundation, nagkakahalaga ang testing ng P2,500 kung saan makikita agad ang resulta sa loob ng 24 oras.

“Tingnan niyo, today, magpapatest ang ordinary na tao. First of all, may sakit na siya, hahanapan pa siya ng doctor’s prescription. Tapos saan siya pwede magpatest? Sa mamahaling ospital? P10,000, P5,000, P7,000,” ayon kay Ang.

“Ang isang ordinary na tao, sa tingin niyo they can afford to pay 5 or 10 thousand for testing? Baka sabihin niya, “mas kailangan ko itong iuwi sa bahay para makakain ang anak ko. Di na ako magpapatest, mamatay na lang ako sa kalye.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?