394

Nov 15, 2019 @ 17:13
By

Pananambang ng NPA sa military sa Samar, kinondena ng Palasyo

Kinondena ng Malacanang ang pananambang ng mga teroristang komunista sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines sa Borongan, Eastern Samar na nagresulta sa pagkasawi ng anim na sundalo at pagkasugat ng 20 iba pa.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ang aksiyong ito ng New Peoples Army ay para harangin ang Executive Order no. 70 na nagtatatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at hadlangan ang mga kasamahang rebelde na magbalik-loob sa gobyerno.

“Kinukondena po ng Presidential Communications Operations Office ang nangyaring pag-ambush sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines kung saan ay anim agad ang namatay at 20 ang sugatan dahil nga doon sa mga improvised explosive devices na iniwan po ng mga rebeldeng CPP-NPA doon sa Borongan,” ani Andanar.

Pero sinabi ng kalihim na hindi matitinag ang gobyerno sa panggugulo at mga mararahas na aksiyon ng kilusang komunista dahil determinado ang Duterte administration na mawakasan ang paghahari-harian ng mga ito sa bansa.

Sinabi ni Andanar na mayroong programa ang administrasyon para sa mga magbabalik-loob na rebelde sa gobyerno at marami na aniya ang bumaba mula sa kabundukan at sumuko sa pamahalaan .

” Binibigyan po natin sila ng isang magandang programa para po sila’y makabalik ng wasto sa lipunan na may trabaho at meron pong kapasidad at mayroon pong malaking assistance mula sa ating gobyerno,” dagdag pa ni Andanar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?