46
bylines-milky-rigonan
By

Pananahimik ng DFA

Sharing is caring!

Sa harap ng mainit na usapin tungkol sa China, nakabibingi naman ang katahimikan ng Department of Foreign Affairs sa harap ng umano’y ginawang pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisda natin sa Scarborough Shoal.

Maging ang mga dating niyang kasamahang Senador ay nagtataka kung bakit nananahimik si DFA Secretary Alan Peter Cayetano sa usapin ng West Philippine Sea.

Kinantiyawan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Cayetano na mag-protesta naman. Hindi umano nakabubuti sa posisyon ng Pilipinas ang pananahimik at pinalalagpas lang ang reklamo ng ating mga mangingisda.

Hindi naman ito nangangahulugan na makikipag-giyera ang Pilipinas sa China dahil sa paulit-ulit na pagiging agresibo nito sa rehiyon.

Ang gusto lang ng publiko, ipaglaban ng DFA ang posisyon ng Pilipinas lalo na’t pabor sa ating bansa ang arbitral ruling UN Arbitration Tribunal.

Sabi ni Drilon, sapat na ang mga video news footage para magsampa ng diplomatic protest ang Pilipinas.

Kuwestiyon naman ng protocol ang pinupunto ni Senator Panfilo Lacson nang lumapag at mag-refuel ang Chinese military plane sa Davao International Airport.

Paliwanag ni Lacson, may security implications kung papayagan ng DFA at ng Defense Department ang pag-refuel.

Hindi lang anya ito sa level ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang magbibigay ng permit dahil may sinusunod dapat na protocol.

Sabi ni Lacson, dahil sa nangyari malinaw na walang proper diplomatic channels at kung patuloy na magiging maluwag ang DFA, baka paggising natin isang araw, colony na tayo ng China.

Hirit naman ni Senator Risa Hontiveros ang foreign policy audit dahil mahalaga anya na alam ng mamamayan kung ano ang direksiyon ng Duterte administrasyon sa isyu ng China.

Hindi lang mga dati niyang kasamahang Senador ang nanininabago sa istilo ngayon ni Cayetano.

Nang senador pa si Cayetano, bawat isyu may reaksiyon, opinyon at batikos ito.

Pero nang maging miyembro ng gabinete, bibihira magbigay ng mga statement sa mga isyu na dapat sagutin ng DFA lalo tungkol sa West Philippine Sea.

Kunsabagay, ayaw ni Pangulong Duterte ang “microphone diplomacy” o react ng react sa mga isyung kinahaharap ng DFA. Kumpara sa pagiging dating mambabatas, iba ang DFA Secretary, dapat pinag-aaralan ang bawat sabihin dahil malalagay ang posisyon ng bansa sa mga sensitibong usapin gaya ng West Philippine Sea.

Sa kabila nito, hindi naman dapat manahimik na lang ang DFA dahil soberenya ng pilipinas ang nakasalalay.

Hindi man makapagpatawag ngayon ng hearing ang Senado, pwedeng buweltahan ng mga Senador ang palakad ni Cayetano sa DFA sa sandaling sumalang ang ahensiya para sa kanilang proposed budget sa susunod na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?