188

Oct 9, 2017 @ 13:26

Pananagutan

By JOSELITO D. DELOS REYES

Sa maniwala kayo o hindi, ‘sagot’ ang salitang nasa ubod ng salitang ‘pananagutan’. Sagot din ang nasa loob ng salitang mananagot.

Sa amoy baul na aka­demya, kung saan humuhugot ng kabuhayan ang inyong lingkod, ang tawag sa pagbabagong anyo ng salitang-ugat ay pagbabagong morpo-ponemiko.

Naks, lalim. Pero sa madaling sabi, nababago ang salita upang mas madaling maipahayag. Mas madaling maiparating ang mensahe. Gets?

Dalawa ang popular na kahulugan ng salitang ‘sagot’ sa ating lipunan. Una, iyong kapag tinatanong, sumasagot. Answer o response sa Ingles.

Ang ikalawa, ang mas malalim na kahulugan sa ating kultura ay ang sagot bilang responsibilidad. Sagot kita. O kung anuman ang gagawin o sasabihin ko, sagot ko. Ako lang ang may kargo, ang may responsibilidad.

Sagot ko ito. Anuman ang hindi ko tamang sasabihin, halimbawa sa column na ito, sagot ko ito. Mananagot ako sa aking mga mambabasa at sa publikasyong ito kapag may ibinigay akong maling impormasyon.

Sagot ng pangalan ko, na kahit papaano, may iniingatang katiting na dangal, naks yabang, dahil nagtuturo ako sa unibersidad, nagsusulat, may pamil­yang nagdadala ng apelyido ko.

Pananagutan ko, halimbawang hindi legal ang aking ginawa, sa batas. Pwede akong maghimas-rehas nang matagal o kapag napatunayan ng hukuman na walang pananagutan, lumaya. Sagot ko sa batas.

Lahat tayo ay may pananagutan sa batas. Matagal man ang proseso, matagal man ang paglilitis pero, ang pananagutan ng tao na may mali o hindi legal na ginawa, ay sa batas. Hindi sa kung sinong inilagay sa kamay ang batas.

Kung kasalanang moral, pananagutan ko sa Diyos na pinaniniwalaan ko. Kapag may ginastos ako mula sa sweldo nang hindi alam ng asawa ko, pananagutan ko kay misis. At madalas itong ganitong paglilitis.

Natatandaan ko noong nabubuhay pa ang nanay ko, madalas niyang sabihin, kapag may iniutos, ‘mananagot ka sa akin kapag hindi mo iyan nasunod.’ Bata pa lang, pinalaki na akong may malinaw na pagkilala sa pananagutan.

Pero hindi lahat ay may pagpapahalaga sa pananagutan. Ano ba naman kung mali? Ano kung walang batayan ang sinasabi? Ano ba kung hindi balanse?

Alam ninyo kasi, sa ating pag-iral—naks, ang lalim na naman—may pananagutan tayo sa ating lipunan upang gawing mabuti at matalino ang ating kapwa sa pamamagitan ng ating ginagawa, sa ating sinasabi: guro ka mang gaya ko, o peryodista, o kahit simpleng nagfe-Facebook o blogger, lalung-lalo na kung maraming follower.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: