160

Jun 10, 2021 @ 19:51
By

Panalo ng troll president pinangangambahan

Nagbabala si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na maaaring manalo ang isang troll president sa 2022 kung mananaig ang mga troll farm na itinatayo ng isang undersecretary.

Kaya hiniling ni Zarate kay Sen. Panfilo Lacson na isiwalat ang nalalaman nito upang matukoy kung sino ang undersecretary na nagtatayo ng dalawang troll farm bawat probinsya at kung pera ng gobyerno ang ginagastos dito.

Maituturing din umanong krimen ang layunin ng mga troll farm na ang target ay sirain ang mga kalaban ng administrasyon.

Ang sitwasyon ay iniugnay ni Zarate sa mga Facebook account na ipinasara ng FB dahil sa coordinated inauthentic behavior (CIB). Ang mga account na ito ay iniuugnay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) samantalang ang iba ay nakabase sa China.

Banta umano ang mga troll farm sa demokrasya at maaari umano itong lumikha ng pekeng panawagan para manalo ang partikular na kandidato.

“Kapag ganyan ang mangyari baka magkaroon ng presidente na iniluklok ng mga trolls. We would have a troll president and we definitely do not want that,” dagdag pa ni Zarate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?