PBA

Panahon ni Marcial sa PBA?

Sharing is caring!

Mula officer-in-charge (OIC) hanggang full time PBA commissioner. May naniniwalang kayang timunan ni Willie Marcial ang pro league.

Pagkatapos mag-resign ni Chito Narvasa sa mismong araw ng pagbubukas ng 2018-2019 season, tinapik si Marcial bilang OIC.

Isang buwan muna siya bilang caretaker habang naghahanap ang binuong search committee ng bagong commissioner.

Pero kung si Blackwater owner Dioceldo Sy ang tatanungin, hindi na kailangang maghanap ng bago.

Si Marcial na.

Sa Mall of Asia Arena nitong Jan. 12 bago ang laro ng Elite at Ginebra, nilinaw ni Sy na wala siyang personal na interes pero sa nakikita niya ay “very capable” si Marcial para punan ang sapatos ng commissioner.

Matagal na sa liga si Marcial, 54, at umangat hanggang sa puwesto niyang external affairs and communications chief bago na-appoint bilang OIC.

Nagsimula bilang league statistician, naging miyembro ng Vintage Enterprises coverage team hanggang tinapik bilang media bureau chief noong 2003 sa termino ni Noli Eala bilang commissioner.

Katuwiran ni Sy, ibi-brief din ni Marcial ang mapipiling bagong commissioner kung paano patatakbuhin ang liga.

“So bakit pa (hahanap ng ibang Commissioner)?” punto ni Sy. “It would just be a waste of time. Nandiyan na rin naman siya, he knows the ins and outs of the PBA.”

Ang kailangan lang daw ni Marcial sakaling ma-appoint ay matikas na assistant.

May ilang pangalang lumulutang bilang kandidato na maging commissioner, pero wala pang pormal na inihahayag ang PBA Board.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?