13

Sep 14, 2021 @ 18:12

Pampublikong paaralan kapos sa classroom

Umaabot na sa 127,000 ang kulang na classroom sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, kakailanganin ng gobyerno ng mahigit P900 bilyon para pondohan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Para sa 2022, may inilaan umano ang gobyerno na P2.9 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong classroom.

Mayroon umanong utos ang Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Education (DepEd) na ang bigyan ng prayoridad na matayuan ng mga bagong silid-aralan sa 2022 ay ang mga fifth at sixth class municipalities.

“We have proposed to the DBM if you are serious in addressing classroom shortage then we can have a three year phasing of new building construction to address this shortage,” sabi ni Pascua.

Para sa 2022, humingi ang DepEd ng mahigit P300 bilyon para sa pagtatayo ng mga classroom at ang ibinigay ng DBM ay P2.9 bilyon.

Sinabi ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na dapat dagdagan ng Kongreso ang budget para sa pagtatayo ng mga bagong paaralan. Iminungkahi niya ang dagdag na P30-P50 bilyon.

Noong 2016, nakatanggap ang DepEd ng P71 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan, P108 bilyon noong 2017 at P86 bilyon noong 2018.

“Unfortunately in 2019 we were only given P14 billion and 2020 we were given P14 billion and in 2021 P12 billion,” dagdag pa ni Pascua.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?