66
abante-tnt-vismin-emigdio-lingad
By

Pampanga ex-Cong. Lingad nakipagtalo sa MMDA sa maling parada

Sharing is caring!

Sa halip na humingi nang paumanhin, inangasan pa umano ng dating representante ng Pampanga ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumita sa kanya sa maling parada sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Habang nagsasagawa ng ‘clearing operations’ ang mga tauhan ng MMDA sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga, naispatan nila ang sasakyan ng dating kongresista ng 2nd district ng Pampanga na si Emigdio Lingad na nakahambalang sa kalsada kaya sinita nila ito.

Pero sa halip na humingi ng despensa ay pinagalitan at nakipagtalo pa umano ang dating mambabatas mula sa Pampanga. Gayunman, nagkaayos din umano ang kongresista at ang mga tauhan ng MMDA.

Paliwanag ng MMDA, kailangan nilang gawin ito lalo’t may MRT-7 project sa Commonwealth at mas lumiliit ang daan kaya matrapik sa lugar araw-araw.

Kasabay nito, ilang motorista din na umanoy nagsisimba sa St. Peter’s Church ang hinatak ang mga sasakyan dahil nakahambalang ang parada ng mga ito sa sidewalk at sa gilid ng Commonwealth Avenue.

Subalit ang ibang sasakyan na may mga driver sa loob ay binigyan naman ng pagkakataon na alisin ang kanilang mga behikulo sa lugar.

Maging ang mga may-ari naman ng sasakyan na nakahabalang din at nasa loob ng Simbahan ay nagsilabasan upang alisin ang kanilang mga behikulo matapos na mag-anunsiyo ang pari ng St. Peter Church sa nasabing lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?