193

By

Pamimigay ng cash gift sa senior citizens ng Makati, sinimulan na

Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Makati ang pamamahagi ng year-end cash gifts sa mga senior citizens sa lungsod.

Sa ulat kay Makati Mayor Abby Binay, sinabi ni Ryan Barcelo, Makati Social Welfare and Development OIC, na mahigit 79,000 kuwalipikadong benepisyaryo ang makakatanggap ng kanilang cash gift sa mga nakaiskedyul na petsa mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-tres ng hapon na nagsimula na ngayong Huwebes.

Sa panuntunan ng pamahalaang lungsod, ang mga senior citizen na may hawak na BLU card ang makakatanggap ng year-end cash gift. Depende sa edad ang kanilang matatanggap.

Ang mga edad 60-69 ay tatanggap ng P1,500; para sa 70-79 taong gulang ay P2,000 habang ang nasa edad 80-89 ay P2,500.

Ito ay binibigay dalawang beses sa isang taon, tuwing Hunyo at Disyembre.

Para sa taong ito, ang pamahalaang lungsod ay naglaan ng P326.2 milyon para sa cash gift ng mga senior citizens at mga sentenaryo.

Para ngayong Huwebes, mamamahagi ng cash gift sa mga Blu Card holders mula sa mga sumusunod na barangay: Bel-Air, Southside, Sta. Cruz, La Paz, Valenzuela at Kasilawan.

Sa Nobyembre 24, Biyernes, ang pamamahagi ay gaganapin sa mga barangay Pitogo, San Lorenzo, Pinagkaisahan, Carmona, Singkamas at Tejeros.

Ang mga benepisyaryo mula sa mga Barangay Olympia, Bangkal ay makatatanggap ng kanilang cash gift sa Nobyembre 27 (Lunes) at 28 (Martes). Samantala ang pamamahagi ng cash gift sa mga benepisyaryo sa mga barangay Comembo at East Rembo ay gaganapin sa Nobyembre 29, Miyerkules.

Sa Disyembre 1 (Biyernes) at Disyembre 2 (Sabado), ang pamamahagi ay gaganapin sa Barangay Rizal at Barangay Poblacion.

Ang pamamahagi ng cash gift sa barangay Pembo ay gaganapin sa Disyembre 4 (Lunes) at Disyembre 5 (Martes). Disyembre 4, barangay Guadalupe Nuevo at Disyembre 5, barangay West Rembo.

Sa Disyembre 6 (Miyerkules), barangay South Cembo at San Antonio. Sa Disyembre 7 (Huwebes), barangay Palanan at Guadalupe Viejo. Sa Disyembre 8 (Biyernes), mga barangay Dasmariñas, Cembo, San Isidro at Northside.

Sa Disyembre 9 (Sabado), mga barangay Magallanes, Urdaneta at Forbes Park. Para sa barangay Pio del Pilar ay sa Disyembre 9 hanggang 11 (Lunes). (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?