94

Jul 31, 2021 @ 12:07
By

Pamimigay ng ayuda puwedeng digital – Nograles

Posibleng ipatupad ang digital transaction sa mga tatanggap ng tig-P1,000 ayuda sa Metro Manila bilang tulong pinansiyal sa mga maaapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa loob ng 15 araw.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na sa ganitong paraan ay maiiwasan ang siksikan at pagdagsa ng mga tao dahil ang iniiwasan ng gobyerno ay ang posibleng hawaan mula sa peligro ng Delta variant.

Naniniwala ang kalihim na hindi magkakaproblema sa gagamiting sistema para sa mga taga-Metro Manila dahil sanay na ang mga tao sa paggamit ng teknolohiya.

“Pagdating sa NCR palagay ko walang problema sa digital payment o paggamit ng digital way of transacting. Mas madali rin kasi to verify kung na-receive ‘yung recipient, mas madaling mag-trace at mag-audit,” ani Nograles.

Pero maaari pa rin aniyang gamitin ang unang sistemang ginamit ng Department of Social Welfare and Development kung saan dinadala sa mga barangay ang pamimigay ng tulong pinansiyal.

Pero sinabi ni Nograles na ang iniiwasan ng gobyerno ay ang hawaan kaya gagamitin kung ano ang mas ligtas na paraan laban sa peligro ng Delta variant.

Magsisimula ang ECQ sa August 6-20 para sikaping maagapan ang posibleng pagkalat ng Delta COVID variant sa Metro Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?