65

Sep 26, 2021 @ 13:34
By

Pamilyang Joson di naniwalang nagpakamatay si Bree, idiniing may foul play

Nanindigan ang pamilya ni Bree Jonson na hindi suicide ang ikinamatay ng artist at pinag-diinang may foul play na nangyari.

Pahayag ni Sally na siyang ina ng 30 anyos na artist, nagalit siya nang sabihing nag-away umano si Bree at nobyo nitong si Julian Ongpin gayong wala namang audio ang CCTV footage sa resort na kanilang tinuluyan sa La Union.

“When I saw that explanation of the general na parang my daughter is pleading na huwag siyang iwanan, based on CCTV, nagalit talaga ako doon kasi wala naman audio ang CCTV. Indirectly parang sinasabi niya na yun ang dahilan ng pagkamatay ng anak ko pero hindi. May mga bruises, meron ano dito mark,” ani Sally sa isang pahayag.

Aniya, imposible raw na kinitil ni Bree ang buhay niya dahil marami pa umano itong plano tulad ng pagtatayo ng sariling studio sa La Union.

“She sold some paintings and then meron syang money and then tuwang-tuwa nga, ‘Oh, I have money na to really put up ng own studio in La Union.’ Ikaw na may ganong plano tapos biglang you will take your life?” sambit niya.

Kaugnay nito, nilinaw ng PNP Region 1 na hindi nila pinapaboran ang anak ng negosyanteng si Bobby Ongpin.

“Talagang ’yun layon lang ng ating imbestigasyon dito ay palabasin ang katotohanan. Paanong pumapabor, nakita naman nila na inaresto namin kaagad si Julian Ongpin the moment na lumabas ’yung drugtest result niya nu’ng Sunday. Pero as early as the first call for help ay nasa custody nu’ng pulis ’yung personality ni Julian,” giit ni PNP Region 1 Director Brig. Gen. Emmanuel Peralta.

Una nang tiniyak ni PNP Chief Guillermo Eleazar na magiging patas ang kanilang imbestigasyon.

“Isa rin itong patunay sa aming maigting na kampanya laban sa ilegal na droga, walang kinikilingan ang inyong kapulisan sa pagpapatupad nito anuman ang estado sa buhay ng aming iniimbestigahan,” wika niya.

Nito lamang nakalipas na weekend nang pumutok ang balita tungkol sa artist dahil sa “misteryoso” umano nitong pagkamatay sa isang hostel sa Elyu kung saan nasabat din ang mahigit 12 gramo ng cocaine na siyang sinasabing pagmamay-ari ni Julian. (VA)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?