31

Jan 11, 2022 @ 12:58

Pamilyang Batangueño, nagpatotoo sa pagiging action man ni Ping

Isang pamilya sa Batangas ang nagpatotoo na kapag si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang umaksyon, sigurado na may kahahantungan at patas ang makakamit na hustisya, lalo para sa kanila na walang kaalaman sa proseso ng gobyerno sa pagkuha ng lupain.

Sa video na ibinahagi sa iPing channel sa YouTube at opisyal na Facebook page ng mambabatas, inilahad ang kwento ng pamilya ni Ginang Norma Guillo na ayon kay Lacson ay “halimbawa ng katotohanan kung gaano kahirap (at nakakalito) makipag-transaksyon sa sarili nating gobyerno.”

“Sa gulo ng proseso, muntik na silang hindi nabayaran sa lupang kinuha mula sa kanila,” dagdag niya sa kanyang post kasama ang #WalangNakawanNgLupa.

Sa nasabing video, inilahad ng pamilya Guillo sa Banaba Center, Batangas City na laking gulat na lang nila nang madiskubreng sinakop ng isang road-widening project ng lokal na pamahalaan ang bahagi ng kanilang ari-arian, apat na taon na ang nakararaan.

“Paano naman kaming dalawang matanda pupunta doon? Tatanong dine, tatanong dine, hindi ho namin alam,” naiiyak na paliwanag ng ginang kasama ng kanyang mister.

Sabi naman ng kanilang anak, “Four years ago ito nangyari, noong nakita ko na lang sa Facebook pala, sa Senate hearing, awang-awa ako sa nanay ko dahil hindi ko alam na nangyari iyon.”

“Noong pumasok na sila Senator Ping Lacson, ang kanyang office na mag-mediate sa amin, naging maayos yung pakikitungo sa amin. Ang bilis nila, ang bilis nila kaming na-process, natulungan,” dagdag niya.

Pinuri ng ginang si Lacson dahil sa mabilis niyang pag-aksyon sa isyu na kanilang kinaharap. “Kaya ang gobyerno natin hindi umaasenso dahil sa corrupt-corrupt na ‘yan. Eh si Ping? Ay, lagot sila kay Ping Lacson. Talagang istrikto si Ping,” aniya.

“Sabi ko ang magaling na mamuno sa atin, ‘yung hindi kumukupit sa gobyerno,” sambit pa ng kanilang anak.

Patunay umano ito na hindi na bago kay Lacson ang kanyang isinusulong na adbokasiya at mensahe ng kampanya na ‘aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng mga Pilipino’ dahil ginagawa na niya ito bago pa man muling tumakbo bilang pangulo para sa Halalan 2022.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?