57

By

Pamilya niratrat dahil sa mana

Patay ang isang mag-asawa habang sugatan ang tatlo nilang anak nang pagbabarilin ng nag-iisang suspek sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Payatas, Quezon City, Lunes ng gabi.

Namatay noon din ang mag-asawang sina Jonathan Bernabe Manuel, 38, electrical technician, at Jonalyn Breto Manuel, 38, peanut butter vendor, habang sugatan at naka-confine sa East Avenue Medical Center ang kanilang mga anak na sina Nathaniel, 14; Dyle Gamaleil, 8, at Harold Keil, 6.

Batay sa inisyal na report, nangyari ang pamamaril dakong alas-8:30 ng gabi habang nanonood ng telebisyon ang pamilya Manuel.

Bigla na lang pinaulanan ng bala ang mga ito ng suspek na nakasuot ng asul na helmet, asul na long sleeve shirt at pantalon.

Nang masiguro ng gunman na todas na ang kanilang target ay mabilis na itong tumakas bitbit ang baril na ginamit sa krimen habang isinugod naman ng mga kapitbahay ang tatlong bata sa nasabing ospital.

Ayon kay Aileen Candoleta, kapatid ng biktima, mayroong minana na lupa ang kanyang kapatid mula sa kanilang tiyahin at marami ang naiinggit sa kabuhayan ng mag-asawa na posibleng dahilan para sila ay patayin.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung sino ang may kagagawan sa krimen at ano ang motibo sa likod ng pagpatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?