151

Sep 4, 2019 @ 15:11
By

Pamilya ni Sanchez, 2 beses nagpunta sa Malacañang

Dalawang beses na nagpunta sa Malacañang ang pamilya ni convicted murderer-rapist Antonio Sanchez para makipagkita kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ito ang nakalagay sa logbook sa New Executive Building (NEB) ng Malacañang, taliwas sa pahayag ni Panelo na isang beses lamang nitong nakausap ang pamilya ng kanyang dating kliyente.

Pebrero 7, 2019 unang nagtungo ang miyembro ng pamilya ni Sanchez sa tanggapan ni Panelo, isang araw bago natanggap ng kalihim ang liham ni Marie Antonelvie Sanchez, anak ng alkalde sa pamamagitan ng e-mail, na humihiling na ma-follow up ang hirit nilang executive clemency.

Ikalawang beses na nagsadya ang pamilya Sanchez ay noong Pebrero 26, 2019 kung saan ang mag-inang Elvira at Antonelvie ay nag-follow up sa kanilang kahilingan sa tanggapan ni Panelo para sa nakakulong na dating alkalde.

Nakalagay sa logbook ng NEB na “follow-up” ang sadya ng mag-inang Sanchez sa tanggapan ni Panelo.

Sa parehong petsa naman sinulatan ni Panelo ang Board of Pardons and Parole (BPP) para i-refer ang hiling ng pamilya Sanchez para sa executive clemency.

Matatandaang sa mga naunang panayam ng Malacañang Press Corps kay Panelo ay sinabi nitong hindi niya nakakausap ang pamilya Sanchez at ikinatuwirang 27 taon na ang nagdaan nang huling makausap niya ang dating kliyente.

Pero nang ilabas ng Senado ang referral letter nito sa BPP ay tila nagpalusot ang kalihim na inakala niyang ang dating alkalde mismo ang tinatanong sa kanya ng media, at sinabing isang beses lamang niyang nakausap ang pamilya Sanchez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?