178

Oct 31, 2017 @ 16:01

Pamilya ng mga napatay sa drug war, sumisigaw ng hustisya ngayong Undas

May panawagan ang mga pamilya ng mga napatay sa drug war ng administrasyon ngayong Undas: Katarungan para sa napaslang nilang kaanak.

Ang panawagan ay ginawa ng grupong Rise Up na ang mga myembro ay kinabibilangan ng mga kaanak ng mga napaslang sa gyera kontra droga.

Ayon sa grupo, nananawagan sila na matigil na ang mga insidente ng pamamaslang.

“Kami ay nagsasama-sama bilang isang tinig ng nagdadalamhati at tinig din ng pagkakaisa sa panawagang ITIGIL ANG PAMAMASLANG at Hustisya sa mga biktima ng Gyera Kontra Droga,” bahagi ng pahayag ng Rise Up.

Dagdag pa ng grupo, sila ay nangangarap din ng maaliwalas na lipunan, ligtas sa panganib at may trabaho silang nakabubuhay,  may maayos na tahanan, at may maayos na serbisyong panlipunan katulad ng  edukasyon at kalusugan.

“Sisindihan namin ang mga kandila bilang  simbolo ng aming  mithiin para sa KATARUNGAN, at pag-aalay ng mga bulaklak sa ALA-ALA ng aming mga anak, asawa, kapatid, magulang at ng mga di nakilalang  mga tao ngunit pinaslang  ng walang pakundangan,” giit ng grupong Rise Up.

Anila, umaasa sila na may kahihinatnan ang panawagan nila ng hustisya lalu pa’t hirap ang kanilang grupo na makakuha ng ebidensya mula sa pulisya para maisulong ang kaso kaugnay ng pagkamatay ng kanilang kaanak.

“Naniniwala kami na ang ating patuloy na pagkakaisa ay magiging ambag para sa pagkakamit ng maaliwalas na buhay sa aming mga pamayanan,” pagtatapos ng grupo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?