351

Jan 3, 2018 @ 14:30
By

Pamilya at kamag-anak ni Duterte, off-limits sa gov’t transactions – Palasyo

Bawal pumasok sa anumang uri ng transaksiyon sa gobyerno ang pamilya at kamag-anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inatasan ng Pangulo ang kanyang gabinete na huwag pansinin sakaling may mga kamag-anak itong lalapit sa alinmang tanggapan ng gobyerno.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi awtorisado ang mga ito na lumapit sa sino mang opisyal para humingi ng pabor o ano pa man.

Kabilang dito ang mga anak ng Pangulo, mga kapatid, mga pinsan at mga tiyahin at tiyuhin.

Wala aniyang binigyan ng permiso ang Pangulo sa kanyang mga kamag-anak para magkaroon ng financial interest sa gobyerno.

“The President would like to reiterate his prior instruction to the Cabinet to ignore any pleas to be made by any of his relatives in connection with any government transaction”, ani Roque.

Matatandaang sa kasagsagan ng kontrobersiya sa nakapuslit na container van ng shabu sa Bureau of Customs noong nakalipas na taon ay nakaladkad ang pangalan nina dating Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Manases Carpio at isang nagpakilalang Lovely Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?