46

Aug 4, 2021 @ 10:59

Pamilya ang turing! Hidilyn nag-thank you sa 2 coach

Hindi kinalimutan ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na pasalamatan ang dalawang lalaking nasa tabi niya sa pag-abot niya ng tagumpay kamakailan sa Tokyo.

Sa isang simpleng Instagram post nitong Miyerkoles, pinasalamatan ni Diaz ang kanyang mga coach na sina Gao Kaiwan at Julius Naranjo – na kanya ring kasintahan.

“Gusto ko lang pag salamat silang dalawa ni Coach Gao at Coach [Julius], sila ang naging pamilya ko nun last 19 months sa Malaysia,” saad ni Diaz sa caption.

“Na-kaya ko dahil nandun sila, ‘di nila ako iniwan,” dagdag pa nito.

Kwento pa ni Diaz, hindi naging hadlang ang ‘di pagkakaintindihan dulot ng lengguwahe, lalo’t Chinese si Gao at taga-Guam naman ni Naranjo.

Ayon kay Diaz, pinilit nilang lampasan ang language barrier upang maging matagumpay ang kanilang pagsasanay.

Bukod dito, ‘di raw makakalimutan ng weightlifter ang pagiging all-around ng kanyang mga coach.

“Thank you sa pagintindi at pagkakaroon ng multiple roles gaya ng pagiging coach, training partner, chef, driver, masahista, translator at marami pang iba,” saad pa ni Diaz.

Napabalita kamakailan na uuwi na sa China si Gao para makasama ang kanyang pamilya. (Mark Joven Delantar)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?