19

Nov 22, 2021 @ 15:20
By

Pambu-bully ng China sa WPS, titindigan ni Lacson

Mas matatag na paninindigan laban sa bullying sa West Philippine Sea at pagkakaroon ng balance of power ang isa sa mga gagawing prayoridad ni Senador Panfilo Lacson kapag nahalal ito sa pagkapangulo sa eleksyon 2022.

Bagama’t kailangang panatilihin ang ating pakikipagkalakalan sa China, sinabi ni Lacson na hindi dapat isakripisyo ng ating bansa ang karapatan at soberanya.

“Tinuturing nating kaibigan ang China pero ang turing ba nila sa atin kaibigan? Dapat equal footing, hindi one way,” ani Lacson sa kanyang panayam sa Radyo 5.

“Meron tayong sovereign rights sa EEZ natin kaya dapat i-assure natin na lahat ng nations that freedom of navigation will be observed and upheld. Ang China wala sa kanila ang freedom of navigation,” dagdag ni Lacson.

Nang tinanong ang senador kung magiging prayoridad niya ang isyu sa West Philippine Sea sakaling mahalal bilang Pangulo sa 2022, sinabi ni Lacson na matagal na niyang ipinaglalaban ito.

“Records will bear this out: Maski ‘di pa ako kandidato, ito ang gusto ko mangyari, ma-enhance ang ating alliance hindi lang sa US kundi sa ibang bansa.”

Paliwanag ni Lacson, ang pagkakaroon ng balance of power ang makakapigil sa China na magsagawa ng incursions at pananakot sa mga maliliit na barko ng ibang bansa.

Ibinahagi rin ng presidential candidate ang isang impormasyon na nalaman niya kung saan binalaan ng China ang isang US warship na dumadaan sa lugar. Matapos igiit ng kapitan ng US vessel ang kanilang right of innocent passage, hindi na sila inatake o hinarang ng naturang Chinese vessel katulad ng ginawa nila sa dalawang Philippine vessels na patungo sa Ayungin Shoal noong Nov. 16.

“Doon natin nakikita na pag may balance of power sa WPS, hindi talaga magkaka-giyera at mapapangalagaan natin ang ating sovereign rights and territorial integrity,” sabi ni Lacson. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?