31

Nov 17, 2021 @ 21:04
By

Pamasko sa mga contractual gov’t worker pinag-aaralan

Pinag-aaralan ng Department of Budget and Management (DBM) ang posibilidad na bigyan ng pampasaya ngayong Pasko ang mga manggagawang contractual sa gobyerno.

Tugon ito ng Palasyo kasunod ng panawagan ng mga contractual sa mga tanggapan ng gobyerno na bigyan sila ng P10,000 gratuity pay dahil wala silang 13th month pay gaya ng mga nasa pribadong sektor.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Carlo Nograles na tinitingnan na ng DBM kung ano ang magagawa sa hirit ng mga manggagawang contractual base sa paggamit ng pondo ng mga ahensya.

Kalimitang kinukuha ang pamasko sa mga kawani ng gobyerno sa savings o ipon ng isang ahensiya ng pamahalaan.

“The Department of Budget and Management is studying the matter based on the fund utilization of agencies,” ani Nograles.

Ang mga contractual sa gobyerno ay hindi nakakatanggap ng mga benepisyong katulad ng tinatamasa ng mga kawaning permanente ang status.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?